Sugar, spice and everything NICE, and then poof it became Koko Crunch! :))

My new sounds:

Para kay Baby Girl. :)

“Ang sabi sa Census; mahigit eleven million ang tao sa Metro Manila.
Sa dami ng taong yun, pano mo kaya malalaman kung sino sa kanila yung para sa’yo?
Pano kung nakasalubong mo na siya, kaya lang di mo pinansin?
Dumaan na pala sa harap mo nung yumuko ka para magsintas ng sapatos mo.
Nakatabi mo na pala, kaya lang lumingon ka para tumingin sa traffic light.
Baka andun na siya, humarang lang yung pedicab.
Sa dinami-dami ng tao, may masusuwerte na nakahanap na… may mga naghahanap pa…..”


Dumating sa buhay ko ung sobrang bigo ako sa pag-ibig. Na hindi naman sa pagmamalabis pero masasabi kong wasak ang puso ko, sobrang nasaktan at pakiramdam ko isa lang akong basura na tinapon pagkatapos pagsawaan. Tumagal din yun ng humigit kumulang isang taon. Humigit kumulang isang taon akong naghihintay sa taong magpaparamdam muli sakin ng halaga ko, ng pagmamahal, ng pag-aalaga. Oo, masasabi ko madami akong nakilalang bagong tao. Ang iba ay nakapalagayan ng loob. Pero sa dinami-dami ng mga taong nakilala ko, hindi ko akalaing siya pala ang muling magpapatibok ng aking puso, muling magtuturo sakin kung pano magmahal ng walang inaasahang kapalit…

Tulad ng lahat, nag-umpisa kami bilang estranghero sa isa’t isa. Hindi magkakilala, kapwa may sariling buhay. Siguro nga minsan o higit pa sa isang beses, nagkasalubong na kami sa aming unibersidad na pinag-aaralan dahil iisa ang lugar kung saan kami nagpapaunlad ng aming kaalaman. Maaari ding nakasabay ko na siya sa jeepney na aking sinasakyan o dili kaya nagkasalubong na ang aming mata ng lingid sa aming kaalaman.
 
Isang common friend ang naging daan upang kami ay magkakilala.
Ordinaryong araw iyon, wala akong magawa, walang makausap tinext ko ang aking kaibigan. Humingi ako ng isang textmate. Sa dinami-dami ng taong nakasave sa phonebook ng cellphone niya, sa di malamang dahilan binigay niya sa akin ang numero ng isang babaeng nagtataglay ng pangalan na Nerissa (Nerissa Nacion Esteban ang buo niyang pangalan).

Walang pagaagam-agam na tinext ko siya sapagkat inip na inip ako nung araw na iyon at gusto ko din ng makakausap baka sakaling makatulong sa pagpukaw ng lumbay na aking nadarama. Tumugon naman agad siya sa aking mensahe. Una pa lang naramdaman ko na agad na palakaibigan siya sapagkat hindi siya boring katext. Dumaan ang ilang araw lamang nagkakachat na kami sa facebook at nagtatawagan na din sa telepono. Di naming namamalayan na ang aming pag-uusap ay nadadalas na at dahil dito mas nakilala pa namin ang gusto at ayaw ng isa’t-isa, ang personalidad ng bawat isa sa amin.

Sa tuwing kausap ko ang babaeng ito may kakatuwa akong nararamdaman. Di maipaliwanag kung bakit, pero parang napakatagal na naming magkakilala, para bang naging parte na siya ng buhay ko sa nakaraan samantalang wala pang isang buwan mula nung nakuha ang numero niya sa aking kaibigan. Marahil madaming bagay sa amin ang parehas, marami sa aming interes ang magkakatulad. Sa tuwing kausap ko siya, masaya ako. Mapagbiro kasi kaming pareho, masayahing tao.

Ang dating text, chat at tawagan ay  umakyat na sa ibang lebel. Dumating na sa punto na nagkikita kami paminsan-minsan. Sabay kumakain at nagsisimba. Naalala ko pa ang tagpo noong una kaming nagkita para magsimba. Iyon din ang unang pagkakataon na kami ay nagkita ng harapan. Inalok ko siya ng isang “apir” para na rin siguro maging panatag ang loob niya sa akin para na din ipakita sa kanya na ako naman ay isang mabait at palakaibigan na tao. Di naman ako nabigo dahil tumugon siya dito. Noong mga oras na iyon lalong umigting ang pakiramdam ko na parang nakasama at nakilala ko na nga siya sa aking pastlife.

Ang mga pagkikita at paguusap naming ito ay hindi namin nilalagyan ng kulay, para sa amin ito ay paraan lamang naming magkaibigan upang mas lalo pa kaming magkakilanlan.

Lumipas ang mga segundo, minuto, oras, at araw di ko namamalayan na sa simpleng paguusap at minsanang pagkikita, unti-unti nang nahuhulog ang loob ko sakanya. Noong una’y di ko ito pinapansin sapagkat kakikilala nga lang namin. Pinipilit ko sa sarili ko na hindi ito ang dapat. Inisip ko na isa lamang itong paghanga. Paghanga marahil dahil sa kanyang kariktan, kabaitan at iba pang magagandang ugali na ipinapakita niya sa akin.

Isang araw, sinabi sakin na ng common friend namin na may pinaplano silang 3 days and 2 nights out-of-town sa isang beach sa Bataan kasama  ang mga malapit niyang kaibigan. Ito raw ay magsisilbing selebrasyon nila sapagkat sila ay gragraduate na sa kolehiyo. Inaya niya ko dito at nasambit na mag-aya din ako ng iba pang mga kaibigan. Mapagbiro nga naman ang tadhana, kaunting oras lamang ang lumipas at nagtext sa akin si Nerissa at nabanggit ang parehong planong out-of-town. Kasama pala siya dito. Tinanggihan ko ang alok ng aming kaibigan, dahil kinakalaban ako ng hiya at hindi ko naman masyadong kakilala ang iba pang mga tao na kasama dito.
 
Dumating ang araw ng kanilang graduation, natural lamang ang may handaan sa bawat bahay nila pagkatapos ng seremonyas sa aming unibersidad. Inimbitahan ako ni Nerissa sa bahay nila ngunit hindi ko ito mapaunlakan, dahil sa kadahilanang may iba akong lakad nung araw na iyon. Nabigla ako ng sabihin niya sa akin na kung hindi daw ako makakapunta sa kanila kailangan ko daw sumama sa kanila sa Bataan. Wala akong nagawa kundi umoo.

Wala na kong takas, wala na kong ligtas. Naka-oo na ko sakanya. Hindi ko ito pwedeng hindi tuparin sapagkat ako ay isang tao na may isang salita. Pambawi na din sakanya sa hindi ko pagpunta sakanila nung araw ng kanyang paggraduate sa kolehiyo upang maki-isa sa selebrasyon na nagaganap. Di ako mapalagay sa nagawa kong agarang pag-oo sa kanya. Gabi-gabi ko pinagiisipan ang desisyon na ginawa ko. Hindi ako mapakali sapagkat kinakalaban ako ng hiya. Iniisip ko kung paano ako makikisama sa iba pa nilang kaibigan. Hanggang sa araw na kami ay aalis na, ako ay nagdadalwang isip pa rin. Nababalot ako ng kaba habang ako ay papunta sa lugar ng tagpuan namin bago kami pumunta sa Bataan.

Naging maayos naman ang lahat, mababait din pala ang iba pa niyang kamag-aral di tulad ng aking inaasahan. Palakaibigan din pala sila katulad ni Nerissa. Di ako nahirapang makisama sakanila, sa 3 o apat na oras na biyahe naging palagay ang loob ko sakanila. Nakakabiruan at nakikipagtawanan na din sila sa akin.

Pagdating sa Bataan mas lalo pa kaming nagkakilala, naging close, at mas lalo pang nahulog ang loob ko sakanya. Ramdam ko ito sa tuwing magkausap kami, nagtatawan at sa tuwing natitingin ako sa nangungusap niyang mga mata. Ramdam ko na ang gaan talaga ng pakiramdam ko sakanya. Ramdam ko ang bawat sayang hatid sa akin sa tuwing kami ay magkasama. Nanjan ang mga tagpong sabay kaming naglalakad sa dalampasigan. Sabay kaming nangangahoy at tinutulungan ko siyang magluto.

Dumating ang unang gabi, nagkaroon kami ng pagkakataon para magkasama na kaming dalawa lamang sapagkat ang iba ay abala sa kanya-kanyang gawain. Nagkaroon kami ng pagkakataon para magkausap ng masinsinan. Madami kaming napagusapan tungkol sa mga bagay-bagay na hindi naman importante. Noong mga sandaling iyon, hindi ako nakaramdam ng inip habang kasama ko siya. Wala akong ibang naramdaman kundi kaligayahan sapagkat kasama ko ang babaeng hinahangaan ko at masasabi kong unti-unti ko ng minamahal.

Di ko alam kung bakit, pero marahil ay dahil sa silakbo ng damdamin. Biglang sumagi sa isip ko na hawakan ang kanyang kamay. Ngunit nagdadalawang isip ako, di mapakali ang diwa ko, unti-unti na ding bumibilis ang tibok ng puso ko. Nababalot ng kaba ang aking buong pagkatao. Hindi ako makapagdesisyon kung itutuloy ko pa ito, baka siya’y magalit sa oras na dumampi ang palad ko sa palad niya. Pero pano kung okay lang naman pala sakanya, sayang ang pagkakataon kung di ko susubukan. Huminga ako ng malalim at unti-unting hinawakan ang kanyang kamay. Animo’y tumigil ang mga oras ng sandaling iyon. Di ko alam ang mga susunod na pangyayari ngunit hinanda ko na ang aking pisngi sa sampal na maari nitong abutin dahil sa naganap na tagpo. Hawak hawak ko na ang kanyang kamay, at hindi ako nakaramdam ng pagtutol sa kanya. Habang magkahinang ang aming mga palad parang naramadam ko na pareho kami ng nadarama sa isa’t isa. Na masaya din siya pag kasama niya ako. Na pumapalagay na din ang loob niya sa akin kahit papaano.

Dahil sa tagpong iyon, mas lalong kaming naging malapit sa isa’t isa noong mga sumunod na araw. Madalas kong hawakan ang kanyang mga kamay upang iparamdam sa kanya kung gaano ko siya hinahangaan. Mas lalo kaming naging masaya sa presensya ng isa’t isa.

Malaki ang naitulong ng Bataan upang maliwanagan ako at siya din sa aming tunay na nararamdaman para sa isa’t isa. Di nagtagal nagkaroon ako ng lakas ng loob na aminin sakanya ang aking tunay na nadarama. Nagkaroon ako ng lakas ng loob na sabihin sakanya na mahal ko na siya at nakuha ko naman ang matamis na “oo” sa kanya.

Heto kami ngayon, masayang nagmamahalan at sinusulit ang bawat araw na pinahihiram sa amin ng Maykapal na kami ay magkasama pa. Walang sinasayang na sandali upang ipadama at ihayag sa isa’t isa kung gaano kami nagpapasalamat sa kung ano ang mayroon kami. Walang sawang nagmamahalan.

Oo tama, inaamin namin na tulad ng lahat ng mga taong may relasyon, hindi din perpekto ang sa amin. May mga unos, bagyo at malalakas na alon din na pagdadaanan ang bangka ng aming pagmamahalan. Hindi namin alam kung hanggang kailan ang relasyon namin ay magiging ganito. Hindi namin alam kung hanggang kailan kami ipapahiram ng Bathala sa isa’t isa. Kaya hindi kami nagdadalawang isip na ibigay ang lahat ng makakaya namin araw-araw upang mapanatili ang saya at kulay ng relasyon namin.

Tunay ngang ang pag-ibig ay parang kidlat, hindi mo alam kung saan at kailan ka tatamaan. Hindi mo alam kung kailan mo makakasalamuha ang nag-iisang tao na ginawa ng Diyos para sayo. Lingid sa kaaalaman ng bawat isa sa atin kung sino ang natatanging tao na magpupuna ng bawat patlang sa pagitan ng ating mga daliri. Masaya ako at natagpuan ko na ang taong iyon, ang taong magpapatibok at bubuo muli ng nadurog kong puso. Yung taong walang sawang nagbibigay ng pagmamahal niya na hindi nagaasam ng sukli. Yung taong pinaparamdam sa akin araw-araw kung gaano siya nagpapasalamat sa Poong Maykapal dahil dumating ako sa buhay niya. At sana sa humigit-kumulang Pitong Bilyon na  tao sa mundo siya na ang natatanging ginawa ng Maykapal para sa akin…

Cover ng A Beautiful Mess ni Mraz. Subok lang. :))

Ganti ng inang kalikasan…

Nitong mga nakaraang araw, dinalaw tayo ng walang humpay na buhos ng ulan. Mahigit bentekwatro oras, walang patid ang pag-iyak ng kalangitan na nagresulta sa pagbaha sa iba’t ibang lugar. Maging ang dating hindi binabaha ay nakaranas din nito.

Sari-saring espekulasyon kung bakit nagkaganon. Kung san san sinisisi. May ilang sinisis sa gobyerno, sa palpak na drainage system, sa basura at kung saan-saan pa. May ilan din namang nabanggit ang mga katagang “GANTI NG INANG KALIKASAN..”

Ngunit kung pagninilayan mo ng mabuti ang maikli ngunit malaman ng kataga na ito, masasabi nga ba nating gumaganti na ang inang kalikasan sa atin na masasabi nating mga anak niya?

Unang una, kailan pa may isang INA na gumanti sa anak niya? Di ba’t lahat ng ina ang ninanais lamang ay ang kabutihan ng anak niya. At pangalawa,  kanino nga ba nanggaling ang mga dahilan kung bakit tayo binabaha, ang mga basura, ang baradong estero at kanal na dapat sana’y dadaluyan ng tubig. Hindi ba’t galing ito sating mga tao, sating mga tao na naninirahan sa mundong ito?

Ang pag-ulan ay kasama talaga sa sistema at proseso ng kalikasan natin. Umuulan para magtuloy-tuloy ang pasikutang ganap ng tubig o ang water cycle kaya hindi natin masasabi na ito ay paghihiganti ng inang kalikasan. Ginagawa lang niya ang parte niya para magtuloy tuloy cycle na ito. Binabalik lang ng ulap sa mundo ang mga tubig na nahigop niya na nagmula dito. “In every action there is an equal ang opposite reaction" ika nga. 

Kung tutuusin, kaya naman sana ng mga daluyan ng tubig tulad ng estero, kanal, sapa, ilog, dagat at ng mga ugat ng puno na hawakan ang mga tubig na iniiyak ng kalangitan. Ngunit anong nangyari sa mga ito, saan napunta? Ang mga daluyan ng tubig barado. Ang mga puno pinutol natin. Tayong mga tao na walang sawa sa pangaabuso sa binibigay satin ng ating INANG KALIKASAN.

Hindi natin pwedeng ibuntong ang sisi o di kaya’y sabihin na gumaganti na siya sa atin. Tayo ang puno’t dulo kung bakit nagresulta ng ganito. Pano, hindi pa din ba tayo magbabago? Maghihintay pa ba tayong tuluyan ng mabura ang lugar natin sa mundo bago tuluyang umaksyon sa mga nangyayari dito? Mag-isip, magnilay-nilay sa mga naganap. Marahil may gustong iparating ang Maykapal sa ating lahat.

GISING KAIBIGAN. GISING KABABAYAN….


—-handleitwithcare 

Hiling….

Minsan si Juan ay humiling
Klase daw bukas sanay kanselahin
Dumating ang ulan
Bumuhos ng biglaan
At walang patid, walang patid…

Di man lang niya naisip
Sa utak niyang makitid

Paanong mga batang gustogng matuto?
Paanong mga taong nilalamig ng husto?
Mga kababayang binabaha ang tahanan
Ang mga pamilyang walang matuluyan,
Paano na, paano na sila?


—-HandleItWithCare

Alipato….

Walang hanggan, ang ating pagiibigan

tunay at masasabing panghabambuhay

May pagkukulang din at kahinaan

Ngunit nanjan ang isa’t isa para itoy punan

nararamdaman natin ay di isang huwad

nawa itoy di matulad sa….

Alipato, magaalab saglit at biglang maglalaho

Maninimdim at tuluyang kakainin ng dilim

malulunod sa pagaalinlangan at mapunta sa kawalan

sasayangin ang apoy at sa huli mananaghoy……


Song in the making… Sana matapos. :)) 

Adios Senior!

Tila ba panahon kaybilis ng paglipas
Kasabay ng pag-agos ng bawat araw at oras
May mga darating na bagong kaibigan
Ngunit meron din na mamamaalam na ng tuluyan

Parang kahapon lang ang bawat sandali
Mga eksena ay napupuno ng tuwa at ngiti
Kapiling ang isang taong tulad mo
Nakatatak pa sa aming isipan ang bawat tagpo

May mga problema din na pinagsaluhan
Tulong-tulong natin itong sinolusyonan
Sa mga pagsubok hindi tayo nagiwanan
Subukin man ng alon ng buhay ang ating pagkakaibigan

Ang bawat harutan, kwentuhan at kulitan
Ang bawat ala-ala ng nakaraan
Lahat ng ito’y hindi namin makakalimutan
Abutin man ng magpakailanman

Paalam na butihing kaibigan
Siguro nga’y hanggang dito na lamang
Mananatili sa puso at isip ng bawat isa sa amin
Mga inukit mong ala-ala noong ikaw pa’y nasa aming piling.



Isang tula na pinagawa sakin para daw sa isang kaibigan na namayapa. Alam mo yung ang hirap pala gumawa ng tula pag hindi mo nadadama ung hinagpis, ung lungkot at poot. Mas maganda kasi pag ramdam mo ung topic ng tula mo kasi lalabas ng natural ung bawat idea sa isip mo. Kaya para maisulat ko tong tula na to kinailangan kong iset ung mood ko sa kalungkutan. Nakinig pa ko ng Paglisan ng Color it Red at Warrior is a Child ni Gary V. para lang medyo madama ko ung lungkot. Mejo hindi ako masaya sa outcome kasi pakiramdam ko pilit ung mga salitang naiisip ko. Kaya tuloy hindi masyado heartfelt. END…


—-HandleItWithCare 

Kids.

"Ang araw na ito ay tila ba kay haba, nakakapagod, nakakapanlata. Pero masasabi ko pa ding masaya.." 

Magtatapos na ang araw na ito, at ito ang mga katagang aking nabigkas bago pa man ako mamaalam sa kasalukuyang petsa at harapin ang pagsubok na ihahandog sa akin ng susunod. Ngunit bago ito tuluyang magwakas may mga katanungang sumagi sa aking isipan na may koneksyon sa aking naranasan ngayong buong maghapon.

Bakit nga ba ung mga imposible, un ung mga gusto nating mangyari? Bakit ung mga wala na sa ating un ung ating mga hinahanap-hanap? Sobrang babaw lang nung nangyari ngayong araw pero di ko alam kung ba’t sumagi sa akin ang mga katanungan na yan.

Pagkatapos ng, humigit-kumulang, isang dekada nakapunta ulet ako sa isang Zoo. Di ko alam kung bakit kami napadpad dun, pero pagpasok na pagpasok ko pa lang sa entrance ng zoo, parang nagtransform ako. Parang bumalik ang nakaraan, pakiramdam ko ako ay isa ulit batang musmos na mababaw lamang ang kaligayahan. Mas nadagdagan pa ang ganitong pakiramdam ng kami ay naglakad at binaybay ang bawat sulok ng pasyalang ito. Habang tinititigan ang mga hayop, ibang saya ang hatid nito sa akin. Di ko alam kung bakit, pero ung ganung pakiramdam huli kong naramdaman iyon nung akoy musmos pa lamang.

Patuloy kaming namasyal, naglakad, nagtawanan ng aking mga kaibigan. Naisip ko ang sarap talagang maging bata. Ung wala kang pinoproblema. Ang tanging iniiyakan mo lamang ay ang sugat mo sa tuhod pag ikaw ay nadadapa, at isang kendi o lolipop lang ang ihandog sayo, masaya ka na. Okay na ulit. Kaya mo na ulit bumalik sa dating gawi. Takbo dito, takbo dun. Di tulad ngayon pag unti-unti ng lumilipas ang panahon, ibang klaseng problema na ang iyong kinakaharap. Kasi bumibigat na din ang responsibilidad mo sa bawat bagay sa paligid mo. At ang sugat na maaaring iwanan sayo ng mga tao, bagay, pangyayari na makakahalubilo ay matagal maghilom. Matagal ulit bago ka makabalik sa dating ikaw, marahil hindi sapat ang 1 buwan, 1 taon, o maging isang dekada upang ito ay tuluyang maghilom…

Imposible na nga, pero gusto kong bumalik sa pagkabata. Ang saya kasi ng pakiramdam na mababaw lang ang kaligayahan mo. Gagawin mo ang lahat ng maisipan mong gawin sa kasalukuyan at ang bukas ay di mo na pakikialamanan.

Ang sarap bumalik sa pagkabata, noong mga panahon na magaan lang ang problema. Sa kabila ng lungkot nakukuha mo pa ding tumawa. At sa araw na ito, walang dudang ito ay aking muling nadama. :)))) 

Walang Hangganan…

May mga bagay nga bang walang hangganan? May mga bagay nga bang walang katapusan? At meron nga ba sa mundong ito na magpapatunay na ang salitang “Forever” ay totoo?

Ang letrato, kumukupas. Ang ala-ala pag tanda mo nawawala. Ang paningin, lumalabo. Ang halaman, nalalanta. Ang cellphone, nalolowbat. Ang kandila, namamatay ang apoy. Ang LPG, nauubos. Ang buhok, nalalagas. Ang ngipin, nabubungi. Ang panahon, nagbabago-bago. E ang pag-ibig kaya?

Marahil pagbago kayo, pag ramdam niyo ang sobrang pagmamahal sa isa’t-isa magbibitaw kayo ng mga katagang “Sana habambuhay na to.” “Sana ikaw na at ako.” “Hindi kita iiwan pangako” “Forever na to, wag kang mag-alala”.

Mga katagang masasabi nga ba nating may kabuluhan? May katotohanan nga ba ang mga salitang to?

E pano kung dumating na ang unos at dagat ng problema? Kaya mo pa bang sabihin ang mga katagang nabanggit mo nung una? Masasabi mo pa ba ang salitang “FOREVER” o bigla na lang kayong bibitiw at iiwan ang isa’t isa?

Mahirap man tanggapin ngunit ito nga yata talaga ang realidad hindi lamang ng buhay ngunit pati ng pag-ibig. Ang salitang “Forever” ay tila nga yata mananatili na lamang na isang kataga. 

Mahirap magexpect sa isang bagay. Mahirap umasa na ang pagmamahal ay walang katapusan. Dahil pag dumating ang hangganan, ikaw din ang masasaktan. Maiiwan kang magisa at luhaan. Paulit-ulit mong babalikan ang nakaraan at aasa na muli mo pa itong mahagkan.

Mas maganda siguro kung wag ka na lang umasa. Ituring mo na ang bawat araw na dadaan ay ang hangganan ng inyong pagmamahalan. Sulitin ang patak ng oras at ng sa gayon ay wala kang pagsisihan pagdumating ang wakas.

—-handleitwithcare